Nasabit lang ako sa pagpapatingin sa OB-Gyn ng isang kaibigang buntis na matapos ang tsek-ap ay nagbida sa kanyang doktor na ako nga ay hindi dinadatnan ng buwanang dalaw. Nahiya naman ako sa pagkakasabi niya, para bang hindi ako tunay na babae dahil hindi ako regular na nagkaka-mens kaya napatango na lamang ako. Sumagot na lang ako ng "opo doktora" sa tanong niya kung totoo ba ang sinabi ng buntis. Hindi ko namamalayan na may sampung "opo doktora" na pala ang nasasabi ko sa lahat ng kanyang tanong. At para matapos ang kanyang paghihinala ay pinahiga na niya ako sa maliit na kama sa loob ng kanyang klinika at saka isinalang para sa isang Transvaginal Sonography o TVS. Tagumpay ang pagsusuri, ako ay may maliliit na follicle cysts sa loob ng obaryo na siyang pumipigil sa aking mga egg cells na mag-mature. Polycystic Ovaries Syndrome, ito ang sanhi ng aking kawalan ng regla buwan-buwan at ayon sa mga pag-aaral, katambal ng ganitong kundisyon ay diabetes, obesity at hirsutism (malalagong bigote at balahibo). Sa kabila nang mga sinasabi sa aking mga medical terms, ang nasa likod ng isip ko ay wala kaming pambayad sa TVS lalo pa't ang presyo nito ay mas mahal pa sa Ultrasound.
Huwag na daw naming alalahanin ang bayad sabi ng doktor na matagal na palang kakilala ng aking kaibigan. Ang mahalaga daw ay nalaman namin ang tunay kong kalagayan. At huwag daw akong mag-alala dahil hindi daw ito sakit, ito ay isa lamang kundisyon na maaring i-manage ika nga. Dati kasi, hindi ko naman ito inaaalala, ang alam ko lang ay irregular ako, the end. Kung meron, ok lang, kung wala, salamat at tipid sa napkin. Pero noong araw na iyon ay kitang-kita ko ang concern ng doktor. " Ilang taon ka na ba iha?" tanong niya, " Nineteen po." sagot ko naman. Bata pa naman daw ako pero dapat daw ay agapan ko din ang aking sarili dahil mahirap daw magkaanak ang mga babae na may ganitong kundisyon. Sa akin naman, parang ayos lang kasi wala naman akong hinahabol na panahon, wala akong asawa o karelasyon. Pero bago kami umalis, mahigpit niyang ipinagbilin na ipagpatuloy ko daw ang pagpapatingin dahil mahalaga daw iyon.
Matapos ang ilang taon, natagpuan ko ang aking sarili sa gitna ng isang relasyon. At hindi ko akalain na ang mga salitang binitawan ng OB-Gyn sa akin noon ay magiging isang malaking takot. Naging madalas kong katanungan sa sarili iyong "Paano kung hindi ako magkaanak?" at "Paano kung hindi ko siya mabigyan ng anak?" Inabot ako ng matinding stress na para bang kailangan ko nang magmadali dahil determinado ako sa aking komitment sa relasyon at alam kong siya na nga ang gusto kong maging asawa. Dahil dito ay nagpasya akong magpatingin. Dumaan ako sa mga konsultasyon at makailang beses na TVS, uminom din ng mga mamahaling gamot na karamihan ay para mag-boost ng hormones. Hindi ko nga lang hiyang ang mga gamot dahil nakakagutom, may nangyari pa nga na sa gitna ng isang biyahe ko sa probinsya ay bumaba ako ng bus para kumain sa isang palengke sanhi ng sobrang gutom (nakaubos ako ng isang bandehadong ginataan, isang platong spageti at dalawang turon).
Sinubok ko din ang pulot-pukyutan, talaba, ginseng,makabuhay, sandamakmak na baka at kung anu-ano pang aphrodisiacs. Bukod dito sinubukan ko pati pagpapahilot, pagtulog ng nakataas ang paa, acupuncture at minsan pa nga ay dinasalan pa ako ng isang albularyo.Biro nga sa akin, magsayaw sa Obando o kaya eh lumakad ng nakaluhod sa Quiapo para magkaanak na inayawan ko naman dahil magmukumukha akong tanga dahil tiyak kong mag-isa lang akong pupunta at hindi siya sasama.
Maraming beses akong umiyak dahil sa kalagayan kong ito. Yung pakiramdam na parang hindi ka buo bilang isang babae dahil hindi ka makapag-ambag ng salinlahi sa mundo. Ang ibang tao, napakadali nilang sabihin sa akin na ok lang yan, darating din yan, 'wag kang mag-alala, pero sasabihin lang nila yun. Sa huli, maaawa lang din sila sa akin dahil sa kalagayan ko at lalo na naman akong malulungkot. Aminin man natin o hindi, hinuhusgahan pa din sa lipunang ito ang isang babae kapag siya ay baog.
Alam ko namang hindi ako baog dangan lamang ay napakaraming idudugtong na paliwanag.
Gusto kong ipaliwanag na hindi naman ako lang ang may PCOS dahil karaniwan daw ito sa kababaihan ng aming henerasyon bunga ng lifestyle at pagkain. Gusto kong sabihin na hindi ito sakit dahil marami nang nakalagpas dito at sinwerteng magkaanak. Gusto kong maintindihan nila na sa pamilya ng nanay ko, lima sa siyam kong Lola ang hindi nagkaanak kaya nasa lahi namin ang infertility. Ngunit lalo akong nabibigo kapag nararamdaman ko na hindi rin buo ang pakiramdam nung isa dahil hindi nga ako magka-anak.
Nakakapagod din pala ang laging nag-aalala.
Matapos ang ilan pang taon, natagpuan ko naman ang aking sarili sa labas ng relasyong iyon. Dumating na sa punto na tinatanong ko na ang aking sarili kung pag-aanak nga lang ba ang purpose ko sa buhay? Ito ba talaga ang kaganapan ng aking pagkababae? Masaya pa ba kami? Masaya pa ba ako?
Matapos ang mahabang debate ng aking isip at damdamin, nagdesisyon akong dakila ang maging isang ina, ngunit hindi pa ito ang aking panahon.
Marami pa palang pwedeng gawin bukod sa pag-aaalala. Magbasa, magtrabahong muli para sa pamilya, kumuha ng mga litrato, mamasyal sa Cubao Expo, Recto, Quiapo at QC Circle, mag-social network, tumawa ng malakas, kumanta, magsulat at higit sa lahat, magmahal ng mas marami pang tao sa paligid ko.
Matapos ang mahabang debate ng aking isip at damdamin, nagdesisyon akong dakila ang maging isang ina, ngunit hindi pa ito ang aking panahon.
Marami pa palang pwedeng gawin bukod sa pag-aaalala. Magbasa, magtrabahong muli para sa pamilya, kumuha ng mga litrato, mamasyal sa Cubao Expo, Recto, Quiapo at QC Circle, mag-social network, tumawa ng malakas, kumanta, magsulat at higit sa lahat, magmahal ng mas marami pang tao sa paligid ko.
Hindi man ako pinalad magkaanak sa yugtong ito, ok lang, hindi pa nauukol sabi ng matatanda. Pababayaan ko munang dumaloy ang mga bagay-bagay may dalaw man ako o wala. =)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento