Martes, Hulyo 19, 2011

Angelo


Noong nasa Prep ako, edad five years old, ang assignment namin ay sabihin sa klase kung ano ang pangarap namin. Dahil wala akong maisip agad, tinanong ko ang Tatay ko kung ano ba ang pwede kong maging pangarap. Tinanong  ako ni Tatay   “ Ano ba ang gusto mong gawin paglaki mo?” Nag-isip ako sandali at naalala ko yung mga pictures sa National Geographic (may monthly subscription kami dahil sa Lola ko na nasa Amerika), namamangha kasi ako sa mga nag-e-expdition sa mga bundok tapos kumukuha ng mga pictures ng mga hayop, puno at lahat ng mayroon sa mga gubat. Sumagot ako “Gusto ko po yung umaakyat sa mga bundok Tay,” saka ako ngumiti. “Ah, alam ko na, ang pangarap mo ay maging aktibista!” sabi ni Tatay. “Yun po ba ang tawag dun?” tanong ko na may halong duda dahil unang beses kong narinig ang salitang iyon. “ Oo anak, yun ang tawag dun.” Nakita ko namang sure na sure ang Tatay ko kaya nagdesisyon akong yun na nga “pangarap” ko.

Kinabukasan sa aming klase, marami ang nagsabi na gustong maging doctor, engineer, abogado, stewardess, teacher at kung anu-ano pa. Nung ako na “Pangarap ko pong maging aktibista.”—natulala ang buong klase pati titser ko. Ano daw? Hindi ko naman sila masisisi, bukod kasi sa Christian Primary School ang eskwelahan ko eh kahit ako ay hindi ko din alam nung mga panahon na iyon ang ibig sabihin ng aktibista. Natatawa ako pag naaalala ko ito.

Hayskul ako noong makilala ko ang Polytechnic University of the Philippines o PUP. Nakabasa ako ng the Catalyst, campus paper ng Unibersidad. Tandang tanda ko pa kung paano ko binasa ang lahat ng mga artikulo at balita hanggang sa pinakamaliliit na announcements.
Dose pesos ang per unit na inabutan ko, kaya lang hindi ako pinalad na makapag-entrance exam, sayang.. Dahilan na din siguro ang nauna kong pagpasa ng mga requirements para sa UPCAT, panibagong gastos lang kung lalakarin ko pa ang application para sa PUP, noong mga panahong iyon ay wala kaming masyadong kakayahang pampinansya bilang isang pamilya kaya hindi ko na ipinilit pa.
Nang matapos ko basahin ang diyaryo, isa lang ang naalala ko, yung mga tanong sa isip ko noong limang taong gulang ako ay nasagot na.


Nangarap akong muli, ang makapag-aral sa PUP. Simple lang ang dahilan ko, doon kasi maraming aktibista.

Hindi iyon natupad noong mga panahong iyon. Natuloy ako sa UP.

Pagsapit ng 2003, namatay si Tatay at kinailangan ko na talagang  huminto sa pag-aaral. Itinigil ko na din ang pangarap kong maging aktibisita dahil may mas mahahalagang bagay akong dapat gawin. Hindi kami mayaman kaya dapat akong gumawa ng paraan.

Ngayon, nabigyan ako ng pangalawang pagkakataon para makapag-kolehiyong muli. Ang kaibhan lamang, hindi na pag-aaktibista ang habol ko kundi ang magkaroon ng degree. Ironic ang buhay.

Gayunpaman, alam ko na kahit nasaan man si Tatay ay masaya siya para sa akin. Hindi ko man naipagpatuloy ang buhay na tinahak niya hanggang sa kanyang kamatayan, ang impluwensiya at katatagan niya ang madadala ko sa habambuhay. Sa araw ng mga ama, nagpupugay ako para sa iyo mahal kong Tatay.

 Antonio “Angelo” F. De Vera
June 13,1961- October 23,2003
Naging aktibitsa sa Lyceum at YS organizer sa mga pamantasan sa kahabaan ng Intramuros-Taft sa Maynila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento