Martes, Hulyo 19, 2011

Ahente


Narito na ako, mula sa maghapon at magdamagan na trabaho
Ang aking ikinayod ang nakatakdang pangkain  sa susunod na dalawang linggo
Inalipin na naman ako ng mga banyaga kahit hindi ko sila nakikita
Nasusuka na sa sa sariling accent at nahihilo sa sariling pagkatao

Hindi ako ipinanganak na sinungaling
Ngunit kailangan kong magpanggap na kaya ko pa
Na matitiis ko pa ang mga pang-aalipusta
Para sa trabaho na ito
Para sa suweldo
Para sa pamilya at sarili ko

Sana nga ay makaalpas na ako sa cubicle na ito
At sa apat na sulok ng computer
Sana nga ay matapos na ang mga sukatan ng oras
 kung sino ang 1st break-yosi-lunch-yosi- Last break
at mga  paulit-ulit at  palagiang umuulit na mga sandali

Hindi ako nagrereklamo dahil ito ay trabaho
(Nagrerebolusyon lang ang damdamin ko)
At lalong hindi nagmamataas
(Kahit dinudurog na ang pagkatao sa telepono)
Sa totoo lang, napakaraming matatalino sa lugar na ito
Na nagtitiis
Dahil kailangan ng kabuhayan
Dahil sa Pilipinas, walang trabaho para sa 25 and above
At undergraduate (o graduate man)
Dahil wala akong mapagpipilian kundi ang panggabing trabaho
o (uulitin ko) ang walang trabaho.
Maraming dahilan, maraming dahilan.

Minsan,
Nakabubulag ang malaking sweldo
At ang makapamasyal sa labas ng kahong de-aircon
Madalas
Binabaliw ako ng pagod at hirap
At nawawalan ng gana sa mundo
Malamang
Konti na lang, ako’y aayaw na
At hahanaping muli ang sarili
--- sa iba pang kahong de-aircon

Kailangang kailangan lang talaga
Dahil naghihintay ang aking sarili
Anak
Pamilya.

May 9, 2011

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento