Huwebes, Hulyo 28, 2011

Nakita mo ba ang mga Bata?



Sa isang kanto ng Aurora Boulevard,nakakita ako ng isang batang basang basa sa ulan at namamalimos. Kinakalabit niya lahat ng kanyang nilalapitan,sinasayawan pa para mapansin siya. Sa tantya ko, mga apat na taong gulang ang batang lalaki. Malaki ang tiyan, bukot ang likod at payat, halatang halata na maysakit ang bata at pinatigil na ng kahirapan ang paglaki.

Sa isang kalye ng Angeles City, may isang bata na may bilugang mga mata, maputi ang kulay ng balat at blondie ang buhok. Nasa sampung taong gulang siguro. Para siyang Diyosa mula sa kanluran sa marahan niyang paglalakad. Isang tingin pa lang ay alam mong anak ng kano ang batang ito. Ang kakaiba lang, hindi siya galing sa eskwelahan dahil hindi naman siya naka-uniporme sa hapon na iyon. At lalong hindi siya mukhang pauwi dahil pusturang pustura siya sa suot niyang maikling damit. Nagtaka na ako. 
Sa di kalayuan ay natanaw ko na ang Fields Avenue.Ayoko nang isipin ang sumunod na pangyayari.

Sa isang malayong bundok ,  may isang sanggol na hirap na hirap nang huminga at nanginginig mula pa noong madaling araw. May apat pa siyang kapatid na hindi na din nakakapag-aral dahil napakalayo ng eskwelahan at walang katuwang ang tatay sa gasak. Naiiyak na ang nanay ng sanggol, wala naman silang gamot at lalong walang mapagkukunan.Dati silang nakatira sa patag bago sila agawan ng lupa.Pangatlong sanggol na ito kung saka-sakali na mamamatay sa sakit na huhulaan na lamang nila na malaria, pulmonya o simpleng lagnat.

Sa isang malaking bodega sa timog katagalugan, may nakapaskil na sign board na nakasaad ang Help Wanted. Dahil walang trabaho ang isang kaibigan, sumubok siyang mag-aplay. Sa gate pa lang, sinigawan na siya ng guwardiya, "Hinid kami tumatanggap ng matatanda dito!". Sumagot siya, "Bente-uno pa lang po ako kuya." 
Napatingin siya sa siwang ng guardhouse, mga batang edad sampung taon pababa ang nakita niya na nagkukulumpon ng mga plastik at goma. "Alis na, alis na." Sabi ng bantay.

Sa isang paaralan, maraming silya ang sira, bakante  ang mga silid na tuklap na ang mga bubong, luma o wala nang libro, may mga basyo ng bala sa paligid. Wala nang bata sa lugar na ito, hindi  na sila para sa lugar na ito.


June 27, 2011

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento