Matapos ang isang taon
Tila hindi napagod ang batang ito
Sa paglalaro
Sa loob ng palaruan na ang pangalan ay Pilipinas
Matapos ang isang taon
Tila hindi niya nadama
Na napagod nang husto
ang mga tao sa loob ng palaruang ito
(na kung tawagin ay Pilipinas)
Sa paghihintay sa katuparan ng mga pangarap ng bata
Para sa isang daang matuwid at tama
Matapos ang isang taon
Nakalimutan yata ng paslit
Na siya'y hindi na dapat naglalaro
Dahil ang totoo'y hindi naman siya tunay na bata
Nagkunwari lamang siya
Upang siya ay mahalin at kagiliwan
At nangako siyang magiging mabuting anak ng palaruan
at ito nga ay ang Pilipinas
Matapos ang isang taon
Wala siyang maisagot sa krisis
Kundi ang pagbibiro tungkol sa kanyang magandang buhay
Buhay pag-ibig, buhay binata, buhay mayaman
Nakalimutan niyang napakaraming tao ang naghihirap sa palaruan
Na hindi biru-biro ang buhay na kinasasadlakan
Matapos ang isang taon
Ano pa ang mayroon?
Mukhang hindi ka pa tapos
Sasali ka naman sa giyera ng mga Hari ngayon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento