Martes, Hulyo 19, 2011

Liham

[Hindi lahat ng pangyayari sa buhay ng tao ay masaya. Marami din ang masakit. Sa unang pagkakataon, maglalabas ako ng angas sa facebook- positibong angas ang tawag ko dito. Wala na din naman kasing saysay ang magpanggap kung talaga namang naging masama ang karanasan mo sa buhay, ang mahalaga na lang ay ang natutunan mo.Trial and error, wag lang ulit-ulitin ang error para hindi magmukhang martir. Ibinabahagi ko sa tulang ito ang aking deklarasyon ng paglaya.]

Liham

Pinupuksa ko ang iyong alaala
Para maalala kong naging mahusay din ako
At iyon ang hindi mo nakuha sa akin

Pinupuksa ko ang iyong alaala
Para maramdaman ko na ako ay tao pa rin
At iyon ang hindi mo nakuha sa akin

Ang puso ko ay ibinigay ko sa lahat
At  higit pa sa lahat ay sa’yo
Ngunit ang iyo ay nakatanghod at nakatanga
Tumitibok pero walang malay-tao

Pinupuksa ko ang iyong alaala
Para maisip kong lagi
Ang mga tunay na nagmahal sa akin
At iyon lamang ang mayroon ako ngayon

Ang tubig, asin at bigas
Ang damit, salapi, bubong
Ang tiwala, malasakit, paghanga
Ang lamig ng mga gabing nag-iisa at naghihintay sa iyo
Ang mauulan na gabi, walang dumarating
Ang mga trabahong pambahay
Ang mga labada at hugasing plato
Ang pag-aalay ng katawang pagal sa kabila ng sampung oras na trabaho
Ang mga gipit na panahon
Ang mga plano
Ang masasayang mga araw
Ay hindi pa pala sapat

Pinupuksa ko ang iyong alaala
Para maihatid sa iyo ang aking mensahe
Hindi ikaw ang buhay ko
At hindi mo na ako makukuhang muli

Paalam.


Marso 2011

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento