Kaya mo bang i-define ang happiness gamit ang isang salita? Mapapaisip ka rin di ba. Ganun din ako dati, isip ng isip kung ano, saan at paano nga ba mararating ang isang happy state. May iba pang mga salita na madalas naihahalintulad sa happiness. Euphoria, high, pure joy, contentment, stability, orgasm, winning, success at kung ano pa mang whatever yan ay ginagawang pantapat sa hapiness. May iba naman na ang pagtingin sa happiness ay opposite sa sinasabi ng Merriam-Webster. Halimbawa, sa mga gahaman, happiness comes from under the table and kahit pa nga above the table. Sa mga magnanakaw, ang happiness ay nagmumula sa matagumpay na pagkuha sa pinagpawisan ng iba. Masama kung tutuuusin pero kwalipikado sa salitang happiness para sa mga ganitong klaseng nilalang.
Kung ako naman ang tatanungin dahil simple lang akong tao, simple lang din ang isasagot ko. Mababaw lang ang kaligayahan ko at madalas nga na namamalayan ko na lang na kaya kong tumawa ng deretso sa kahit sa isang mahabang diskusyon. Yung tipong pag nagsalita ako, tawa, pag may nagsalita, tawa , pag tahimik, tawa. Buti nga at wala masyadong nagagalit sa akin kapag ganito na ako. Sinusuri ko din naman kung bakit ako nagkaganito dahil dati naman ay hindi ako kibuin talaga. Dumating ako sa kongklusyon na marahil, sa tagal kong dumaan sa mga matitinding problema ay kinailangang mag-cope ng aking sistema.
Naging masayahin na akong tao lately. Halimbawa, kapag naalala ko yung mga detalye ng isang tagpo na ubod ng tagal na at aabot pa sa punto na ang kulay ng damit, hitsura ng paligid, mga pinag-usapan at iba pa ay maalala ko, grabeng saya ko nun. O kaya naman, yung may makakwentuhan tungkol sa hard core na buhay (na madalang lang nangyayari), amen na amen ako talaga. Masaya din kapag may nakakalaro akong mga bata, yung wala pang mga muwang sa mundo kasi kapag tumawa sila, alam mong natutuwa talaga sila. Pati mga maliliit na bagay ay kinatutuwaan ko na rin gaya ng simpleng pagbili ng turon, pagpasyal sa ukay-ukay, pagtatapon ng basura, pagkain ng paboritong nagaraya yellow (butter flavor), pagsagot sa text ng mga kaibigan at pati nga pagdadamit ng maayos ay nagustuhan ko na.
Nalilibang ako ngayon sa pakikinig kay Adele, isang UK singer na plus size gaya ko. Dati kasi, nahihirapan pa akong tanggapin ang malaki kong katawan pero nung makita ko siya at marinig ko pang kumanta.. hindi ko alam pero parang lumuwag ang pakiramdam ko. At ngayon, mas determinado na akong maging malusog uli sa pamamagitan ng exercise. Tapos na ang phase ng sobra-sobrang pagkain.
Napansin ko din na unti-unti na akong lumalabas sa aking kahon. Nag-aayos ako ngayon ng isang High School reunion, nakikipagkita sa mga mahal kong kababata, nakikipag-usap na uli sa ibang tao kahit sa internet lang at mantakin mong naging presidente pa ako ng klase. Nagiging mas bukas na din ako sa pakikipagkaibigan kahit sa opisina at sa mga kapit-bahay.
Nasasabi ko na din sa aking sarili na magiging OK na ang lahat kahit na lagi't lagi ay may mga darating na problema. Hindi na din masyadong negatibo ang mga senaryo sa loob ng utak ko. Sa isang usap nga namin ng akong katrabaho, nakakalampas sa Dark Ages ang aming ginamit na termino. Yung nalalaman mo na yung pagtimbang ng tama sa mali kahit hindi ka pa expert at mas marunong ka nang umunawa sa sinasabi ng iba. Para bang unti-unti ay nakakalangoy ka na uli sa masalimuot na dagat na kung tawagin ay real life.
Baka wari mo na naman ay kasawian sa pag-ibig ang pinag-uusapan, pwes, mali ka. Outlook sa buhay ang pinatutungkulan dito. Yung paano natin nakikita ang positibo sa kabila nang isang pangit na araw. Nagagawa pa ba nating ngumiti ng walang bahid na lungkot sa kabila ng walang katapusang mga problema? Hindi tayo dapat magsawa sa buhay dahil laging may naghihintay na pagbabago kahit sa pinakasimpleng paraan. Gaya ng nabili kong turon na may kasamang langka at mga text na Level Up na din ang mga kumustahan at hindi na lang puro qoutations. Kung gusto mo pa ng sample, pati sa nagaraya. naganap ang pagbabago sa akin, imbes na yellow, pinili ko yung red hot and spicy, panalo di ba?
Kaya para sagutin kung ano ang nagbibigay sa akin ng happiness, walang iba kundi ang buhay mismo. Masarap pa rin mabuhay, subukan mo, ngayon na.
-- para sa aking pamilya na umantabay sa akin hanggang sa final verdict. =)
-- para sa aking pamilya na umantabay sa akin hanggang sa final verdict. =)